Isa 29:18, Isa 35:5-6, Isa 42:1,6-7, Mt 9:27-30, Mt 11:4-5, Mt 15:30-31, Mt 20:30-34, Mt 21:14, Jn 9:1,6-7

Sa Lumang Tipan, sinabi ng salmista na binuksan ng Diyos ang mga mata ng bulag. ( Awit 146:8 )

Awit 146:8 minumulat ni Yahweh ang mga mata ng bulag; ibinabangon ni Yahweh ang mga nalulugmok; iniibig ni Yahweh ang mga matutuwid.

Sa Lumang Tipan, ipinropesiya ni Isaias na ang darating na Kristo ay magbubukas ng mga mata ng mga bulag. (Isa 29:18, Isa 35:5-6, Isa 42:1,6-7)

Isa 29:18 Sa araw na iyon, maririnig ng bingi ang mga salita ng aklat, at ang mga mata ng bulag ay makakakita mula sa malalim na kadiliman.

Isa 35:5 Pagkatapos ang mga mata ng bulag ay makakakita, at ang mga tainga ng bingi ay makakarinig. 6 Pagkatapos ang taong pilay ay lulukso tulad ng isang usa, at ang piping dila ay aawit, dahil magkakatubig sa bukal mula sa Araba, at magkakabatis sa ilang.

Isa 42:1 Masdan, aking lingkod, na aking itinataas; ang aking pinili, sa kaniya ako ay nagagalak. Ang aking Espiritu ay nasa kaniya; siya ang magdudulot ng katarungan sa mga bansa.
6 “Ako, si Yahweh, ang tumawag sa iyo sa katuwiran at hahawak sa iyong kamay. Iingatan kita at itatakda kita bilang tipan para sa mga tao, bilang isang liwanag para sa mga dayuhan, 7 para buksan ang mga mata ng bulag, para palayain ang mga bilanggo mula sa piitan, at mula sa tahanan ng pagkakulong silang mga nakaupo sa kadiliman.

Si Hesus ang Kristo na nagbukas ng mga mata ng mga bulag gaya ng ipinropesiya sa Lumang Tipan. ( Mt 9:27-30, Mt 11:4-5, Mt 15:30-31, Mt 20:30-34, Mt 21:14, Jn 9:1, 6-7)

Mt 9:27 Habang papalayo si Jesus mula roon, dalawang bulag na lalaki ang sumunod sa kaniya. Patuloy silang sumisigaw at nagsasabi, “Maawa ka sa amin, Anak ni David!” 28 Nang dumating si Jesus sa bahay, lumapit ang mga bulag sa kaniya. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Naniniwala ba kayo na magagawa ko ito?” Sinabi nila sa kanya, “Opo, Panginoon.” 29 At hinawakan ni Jesus ang kanilang mga mata at sinabi, “Mangyari ito sa inyo ayon sa inyong pananampalataya.” 30 At nabuksan ang kanilang mga mata. Pagkatapos ay mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus, “Tiyakin ninyo na walang makakaalam tungkol dito.”

Mt 11:4 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Humayo kayo at iulat ninyo kay Juan kung ano ang inyong nakita at narinig. 5 Ang mga bulag ay nakatatanggap ng paningin, nakapaglalakad ang mga lumpo, ang mga may ketong ay nagiging malinis, ang mga bingi ay nakaririnig nang muli, ang mga patay ay muling binuhay, at ang mga mahihirap ay nasabihan na tungkol sa mabuting balita.

Mt 15:30 Napakaraming tao ang lumapit sa kaniya. Kasama nila ang mga pilay, bulag, pipi at mga lumpo, at marami pang iba na may mga sakit. Inilagay sila sa paanan ni Jesus at sila ay pinagaling niya. 31 Kaya namangha ang maraming tao nang nakita nila ang mga pipi na nakapagsalita, ang lumpo na napagaling, ang pilay na nakakalakad at mga bulag na nakakakita. Pinuri nila ang Diyos ng Israel.

Mt 20:30 At nakita nila ang dalawang bulag na lalaki na nakaupo sa daan. Nang marinig nila na si Jesus ay dumaraan, sila ay sumigaw at nagsabi, “Panginoon, Anak ni David, mahabag ka sa amin.” 31 Subalit sinaway sila ng mga tao, sinabihan sila na tumahimik. Ngunit, lalo silang nagsisisigaw ng malakas at nagsabi, “Panginoon, Anak ni David, mahabag ka sa amin.” 32 At huminto si Jesus at tinawag sila at nagsabi, “Ano ang nais ninyong gawin ko sa inyo?” 33 Sinabi nila sa kaniya, “Panginoon, na ang aming mga mata ay mabuksan.” 34 At si Jesus, na nakadama ng pagkahabag, hinipo ang kanilang mga mata. Agad agad ay natanggap nila ang kanilang paningin at sumunod sa kaniya.

Mt 21:14 At pumunta sa kaniya sa templo ang mga bulag at mga lumpo at sila ay pinagaling niya.

Jn 9:1 Ngayon nang si Jesus ay dumaan, nakakita siya ng isang taong bulag mula pa sa kapanganakan.
6 Pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga bagay na ito, dumura siya sa lupa, gumawa ng putik sa pamamagitan ng laway, at pinahiran ng putik ang mga mata ng lalake. 7 Sinabi niya sa kaniya, “Pumunta ka at maghilamos sa languyan ng Siloam (na isinalin na 'isinugo').” Kaya't umalis ang lalake, naghilamos, at bumalik nang nakakakakita na.