Jn 1:29, Mt 8:16-17, Gal 3:13, 1 Pt 2:24, 1 Cor 15:3, 2 Cor 5:21, Rom 5:6-10, 1 Pedro 3:18

Sa Lumang Tipan, ipinropesiya ni Isaias na ang darating na Kristo ay magdurusa at mamamatay upang bayaran ang ating mga kasalanan at iligtas tayo. ( Isa 53:4-6 )

Isa 53:4 Pero tiyak na pinasan niya ang ating mga karamdaman at dinala ang ating mga kalungkutan; gayon man ay inakala natin na pinarusahan siya ng Diyos, pinalo siya ng Diyos, at pinahirapan. 5 Pero sinaksak siya dahil sa ating mga ginawang paghihimagsik; nadurog siya dahil sa ating mga kasalanan. Ang kaparusahan para sa ating kapayapaan ay nasa kanya, at pinagaling niya tayo sa pamamagitan ng kanyang mga sugat. 6 Tayong lahat ay gaya ng mga tupang ligaw; ang bawat isa ay nagkanya-kanyang daan, at ipinataw sa kanya ni Yahweh ang kasamaan nating lahat.

Gaya ng ipinropesiya ng Lumang Tipan, pinasan ni Jesus ang mga kasalanan at pagdurusa ng mundo. (Juan 1:29, Mateo 8:16-17)

Juan 1:29 Sa sumunod na araw nakita ni Juan na paparating si Jesus sa kaniya at sinabi, “Tingnan ninyo, ayun ang kordero ng Diyos na siyang nag-aalis nang mga kasalanan ng mundo!

Mateo 8:16 Nang sumapit ang gabi, dinala ng mga tao kay Jesus ang maraming taong sinapian ng mga demonyo. Pinalayas niya ang mga espiritu sa pamamagitan ng salita at pinagaling niya ang lahat ng may sakit. 17 Sa ganitong paraan natupad ang sinabi ni Isaias na propeta, “Kinuha niya ang ating mga sakit at dinala ang ating mga karamdaman.”

Kinuha ni Hesus ang ating mga kasalanan at namatay sa krus upang iligtas tayo ayon sa mga propesiya ng Lumang Tipan. (Gal 3:13, 1 Pedro 2:24, 1 Cor 15:3, 2 Cor 5:21, Roma 5:6-10, 1 Pedro 3:18)

Gal 3:13 Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng kautusan noong siya ay naging sumpa para sa atin. Sapagkat nasusulat, “Sinumpa ang sinumang ibinitin sa isang puno.”

1 Pedro 2:24 Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kaniyang katawan sa puno, upang hindi na tayo magkaroon ng bahagi sa kasalanan, at upang makapamuhay tayo para sa katuwiran. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat kayo ay gumaling.

1 Cor 15:3 Sapagkat binigay ko sa inyo ang pinakamahalaga na aking tinanggap: na si Cristo ay namatay alang-alang sa ating mga kasalanan ayon sa mga kasulatan,

2 Cor 5:21 Si Jesus ay ginawa niyang handog para sa ating mga kasalanan. Siya na hindi kailan man nagkaroon ng kasalanan. Ginawa niya ito upang tayo ay maging katuwiran ng Diyos sa kaniya.

Roma 5:6 Sapagkat habang mahina pa lamang tayo, namatay si Cristo sa tamang panahon para sa mga hindi maka-diyos. 7 Sapagkat mahirap para sa isang tao na mamatay para sa isang matuwid na tao. Iyan ay, marahil kung may isang maglalakas-loob na mamatay para sa mabuting tao. 8 Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin, dahil noong makasalanan pa tayo, namatay si Cristo para sa atin. 9 Mas higit pa sa ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kaniyang dugo, maililigtas tayo sa pamamagitan nito mula sa poot ng Diyos. 10 Sapagkat kung, noong tayo ay mga kaaway, ipinagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak, higit pa ngayon na pagkatapos tayong ipinagkasundo, maililigtas tayo sa pamamagitan ng kaniyang buhay.

1 Pedro 3:18 Nagdusa rin si Cristo para sa mga kasalanan. Siya na matuwid ay nagdusa para sa atin, na mga hindi matuwid, upang tayo ay madala niya sa Diyos. Pinatay siya sa laman, pero muling binuhay sa espiritu.