Jn 4:14, Jn 7:37-39
Sa Lumang Tipan, nakita ni Ezekiel sa isang pangitain ang tubig ng buhay na umaagos palabas ng templo at ibinabangon ang lahat ng patay. ( Ezekiel 47:1-12 )
Ezekiel 47:1 At dinala ako ng lalaki pabalik sa pasukan ng templo at masdan ninyo! Umaagos ang tubig mula sa ilalim ng bungad ng tahanan ng templo sa gawing silangan, sapagkat nakaharap sa silangan ang harapan ng templo at umaagos ang tubig sa gawing timog ng templo, sa may kanan ng altar. 2 Kaya dinala niya ako palabas sa hilagang tarangkahan at hinatid sa palibot ng tarangkahan na nakaharap sa silangan. Masdan ninyo, umaagos ang tubig mula sa tarangkahang ito sa gawing timog nito. 3 Habang naglalakad ang lalaki patungong silangan, mayroong isang panukat na lubid sa kaniyang kamay, sumukat siya ng isang libong siko at dinala ako sa tubig na hanggang bukung-bukong ang lalim. 4 At sumukat siyang muli ng isang libong siko at dinala ako sa tubig na hanggang tuhod ang lalim at sumukat siya muli ng isang libong siko at dinala ako sa tubig na hanggang balakang ang lalim. 5 Pagkatapos sumukat pa siya ng isang libong siko ng mas malayo, dito isa na itong ilog na hindi ko kayang tawirin, napakalalim nito. Kailangan lamang itong languyin ng sinuman. 6 Sinabi sa akin ng lalaki: “Anak ng tao, nakikita mo ba ito?” at dinala niya ako palabas at sinamahan ako sa paglalakad pabalik sa tabing-ilog. 7 Habang naglalakad ako pabalik, masdan ninyo, mayroon ng maraming puno sa bahaging ito ng tabing-ilog at pati na rin sa kabilang bahagi. 8 Sinabi ng lalaki sa akin: “Ang tubig na ito ay lalabas sa lupaing sakop ng silangan at bababa sa Araba, dadaloy ang tubig na ito sa Dagat na Maalat at maibabalik ang kasariwaan nito. 9 Nag-uumpukan ang bawat nabubuhay na nilalang kung saan pumupunta ang tubig, magkakaroon ng maraming isda sapagkat dumadaloy roon ang mga tubig na ito. Gagawin nitong sariwa ang tubig alat. Mabubuhay ang lahat kung saan dumadaloy ang ilog. 10 At mangyayari na tatayo sa tabi ng tubig ang mga mangingisda ng En-gedi at magkakaroon ng isang lugar na patuyuan ng mga lambat sa En-eglaim. Magkakaroon ng maraming uri ng isda sa Dagat na Maalat, tulad ng isda sa Malaking Dagat para sa kanilang kasaganaan. 11 Ngunit hindi magiging sariwa ang mga latian at mga ilat ng Dagat na Maalat, ito ang mga magiging tagapagbigay ng asin. 12 Sa tabi ng ilog sa mga pampang nito, sa magkabilang dako, tutubo ang lahat ng uri ng puno na nakakain ang bunga. Hindi malalanta ang mga dahon nito at hindi kailanman titigil sa pamumunga ang mga ito. Mamumunga ang mga puno sa bawat buwan, yamang nanggaling sa Santuwaryo ang tubig ng mga ito. Magiging pagkain ang mga bunga nito at magiging gamot ang mga dahon nito.
Ibinuhos ni Hesus ang tubig ng buhay, iyon ay, ang Banal na Espiritu, sa mga naniniwala sa Kanya bilang ang Kristo. (Juan 4:14, Juan 7:37-39)
Juan 4:14 ngunit ang sinumang uminom ng kaunting tubig na ibibigay ko sa kaniya ay hindi kailan man muling mauuhaw. Sa halip, ang tubig na ibibigay ko sa kaniya ay magiging bukal ng tubig na magdudulot sa kaniya ng buhay na walang hanggan.”
Juan 7:37 Ngayon sa huling araw, ang dakilang araw ng kapistahan, tumayo si Jesus at sumigaw na nagsasabi, “Kung sinuman ang nauuhaw, hayaan siyang lumapit sa akin at uminom. 38 Kung sino ang sumampalataya sa akin, gaya ng sinabi ng kasulatan, mula sa kaniya dadaloy ang mga ilog ng tubig na buhay. 39 Ngunit sinabi niya ito tungkol sa Espiritu na tatanggapin ng mga mananampalataya sa kaniya; ang Espiritu ay hindi pa naibibigay dahil si Jesus ay hindi pa nalululwalhati.