Mic 5:2, Mt 2:1, Lc 2:3-7

Sa Lumang Tipan, ipinropesiya na si Kristo ay ipanganganak sa Bethlehem. (Mik 5:2, Mat 2:4-6)

Mik 5:2 Ngunit ikaw Bethlehem Efrata, kahit ikaw ay maliit sa mga angkan ni Juda, mula sa iyo ay may darating sa akin upang pamunuan ang Israel, na ang pinagmulan ay sa mga unang panahon, mula sa walang hanggan.

Mat 2:4 At tinipon ni Herodes ang lahat ng mga punong pari at mga eskriba ng mga tao, at tinanong niya ang mga ito, “Saan ipapanganak ang Cristo?” 5 Sinabi nila sa kaniya, “Sa Bethlehem ng Judea, sapagkat ito ang isinulat ng propeta, 6 'At ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Judah, ay hindi pinakahamak sa mga pinuno ng Judah, sapagkat sayo magmumula ang isang pinuno na magpapastol sa aking mga taong Israelita.'”

Si Jesus ay ipinanganak sa Bethlehem. (Mt 2:1, Lucas 2:3-7)

Mt 2:1 Pagkatapos maipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Judea sa mga araw ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang mga pantas na kalalakihan mula sa silangan na nagsasabi,

Lucas 2:3 Kaya pumunta ang bawat isa sa kaniyang sariling bayan upang mailista para sa sensus. 4 Si Jose ay umalis din mula sa lungsod ng Nazaret sa Galilea at naglakbay papunta sa Betlehem na bayan ng Judea na kilala bilang lungsod ni David, dahil siya ay kaapu-apuhan mula sa pamilya ni David. 5 Pumunta siya doon upang magpalista kasama si Maria na nakatakdang ikasal sa kaniya at kasalukuyang nagdadalang tao. 6 At nangyari nang habang sila ay naroroon, dumating ang oras para ipanganak niya ang kaniyang sanggol. 7 Siya ay nagsilang ng anak na lalaki, ang kaniyang panganay na anak, at maayos niya itong binalot ng pirasong tela. Pagkatapos ay inilagay niya ito sa sabsaban dahil wala nang bakanteng silid para sa kanila sa bahay-panuluyan.

Ipinanganak si Jesus sa Bethlehem, ngunit tumakas sa Ehipto nang sinubukan ni Herodes na patayin ang mga batang wala pang dalawang taong gulang upang patayin ang Kristo na ipinanganak. Pagkamatay ni Herodes, bumalik sa Israel ang pamilya ni Jesus, ngunit dahil naging hari ang anak ni Herodes, pumunta ang pamilya ni Jesus sa isang bayan na tinatawag na Nazareth sa Galilea. Kaya pinalaki si Jesus sa Nazaret sa Galilea. (Mt 2:19-23, Jn 7:41-42)

Mt 2:19 Nang si Herodes ay namatay, masdan ito, nagpakita sa isang panaginip ang isang anghel ng Panginoon kay Jose sa Egipto at sinabi, 20 “Bumangon ka at kunin mo ang bata at ang kaniyang ina at pumunta kayo sa lupain ng Israel, sapagkat ang mga naghahangad sa buhay ng bata ay patay na.” 21 Bumangon si Jose at kinuha ang bata at ang kaniyang ina at tumungo sila sa lupain ng Israel. 22 Ngunit nang mabalitaan niya na si Arquelao na ang naghahari sa Judea kapalit ng kaniyang ama na si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Pagkatapos siyang balaan ng Diyos sa panaginip, umalis siya patungo sa rehiyon ng Galilea 23 at pumunta siya at nanirahan sa lungsod na tinatawag na Nazaret. Natupad kung ano ang sinabi sa pamamagitan ng mga propeta na siya ay tatawaging Nazareno.

Jn 7:41 Sinabi ng iba, “Ito ang Cristo.” Ngunit sinabi ng iba, “Ano, ang Cristo ba ay mangagaling sa Galilea? 42 Hindi ba sinabi ng mga kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa lahi ni David at mula sa Betlehem, ang nayon kung saan galing si David?”