Rom 1:4, Aw 22:15, Isa 53:5-12, Gawa 3:14-15, 18, 1 Pt 1:10-11, Aw 16:9-10, Os 6:2, Jona 1:17 , Jona 2:10, Mt 12:39-40, Lc 24:25-27
Ang Lumang Tipan ay nagpropesiya na si Kristo ay mamamatay para sa ating mga kasalanan. (1 Pedro 1:10-11, Isa 53:5-12, Jonas 1:17)
1 Pedro 1:10 Maingat na sinaliksik at sinuri ng mga propeta ang patungkol sa kaligtasang ito, tungkol sa biyaya na mapapasa-inyo. 11 Nagsaliksik sila upang malaman kung anong uri ng kaligtasan ang darating. Nagsaliksik din sila upang malaman ang patungkol sa panahon na sinasabi sa kanila ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila. Nangyayari ang mga ito habang sinasabi niya sa kanila, bago pa man mangyari, ang patungkol sa pagdurusa ni Cristo, at ang mga kaluwalhatiang darating kasunod niya.
Isa 53:5 Pero sinaksak siya dahil sa ating mga ginawang paghihimagsik; nadurog siya dahil sa ating mga kasalanan. Ang kaparusahan para sa ating kapayapaan ay nasa kanya, at pinagaling niya tayo sa pamamagitan ng kanyang mga sugat. 6 Tayong lahat ay gaya ng mga tupang ligaw; ang bawat isa ay nagkanya-kanyang daan, at ipinataw sa kanya ni Yahweh ang kasamaan nating lahat. 7 Siya ay pinahirapan; gayun man nang nagpakumbaba siya, hindi niya ibinuka ang kanyang bibig, gaya ng isang kordero na dinadala sa katayan, at gaya ng tupa na bago ito gupitan ay tahimik, kaya hindi niya ibinuka ang kanyang bibig. 8 Sa pamamagitan ng pamimilit at paghuhusga siya ay hinatulan; sino mula sa henerasyon iyon ang nakaalala pa sa kanya? Pero siya ay nahiwalay mula sa lupain ng mga buhay; dahil sa mga kasalanan ng aking bayan ay ipinataw sa kanya ang parusa. 9 Sinadya nilang gumawa ng libingan para sa kanya kasama ang mga pumapatay, kasama ang isang mayaman sa kanyang kamatayan, kahit na hindi siya nakagawa ng anumang karahasan, ni nagkaroon ng anumang pandaraya sa kanyang bibig. 10 Ito ay kalooban ni Yahweh para durugin siya at gawin siyang masama; at kung ginagawa niyang handog ang kanyang buhay para sa kasalanan, makikita niya ang kanyang mga anak, pahahabain niya ang kanyang mga araw, at ang kalooban ni Yahweh ay matutupad sa pamamagitan niya. 11 Pagkatapos niyang magdusa, makikita niya at masisiyahan sa pamamagitan ng kaalaman kung ano ang kanyang nagawa. Ang aking matuwid na lingkod ay ipawawalang-sala ang marami; dadalhin niya ang kanilang kasamaan. 12 Kaya ibibigay ko sa kanya ang kanyang kabahagi sa gitna ng maraming tao, at hahatiin niya ang mga nasamsam sa karamihan, dahil inilantad niya ang kanyang sarili sa kamatayan at ibinilang siyang kasama ng mga makasalanan. Dinala niya ang kasalanan ng marami at namagitan siya para sa mga makasalanan.
Jonas 1:17 Ngayon inihanda ni Yahweh ang isang malaking isda upang lunukin si Jonas, at si Jonas ay nasa loob ng tiyan ng isda nang tatlong araw at tatlong gabi.
Ang Lumang Tipan ay nagpropesiya na si Kristo ay babangon pagkatapos ng Kanyang kamatayan. (Aw 16:9-10, Hos 6:2, Jonas 2:10, Mat 12:39-40)
Aw 16:9 Kaya nga ang puso ko ay magagalak, ang nagpaparangal kong puso ay magpupuri sa kaniya; tiyak na mabubuhay ako nang panatag. 10 Dahil hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Sheol. Hindi mo pababayaan ang tapat sa iyo na masilayan ang hukay.
Hos 6:2 Pagkatapos ng dalawang araw, bubuhayin niya tayo; ibabangon niya tayo sa ikatlong araw, at mabubuhay tayo sa kaniyang harapan.
Jonas 2:10 Pagkatapos nangusap si Yahweh sa isda, at iniluwa nito si Jonas paitaas sa ibabaw ng tuyong lupa.
Mat 12:39 Ngunit sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Isang masama at mapangalunyang salinlahi ang naghahanap ng palatandaan. Ngunit walang ibibigay na palatandaan sa kaniya maliban sa palatandaan ni Jonas na propeta. 40 Sapagkat gaya ni Jonas na tatlong araw at tatlong gabi sa tiyan ng malaking isda, gayundin na ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabi na nasa ilalim ng lupa.
Ayon sa mga propesiya sa Lumang Tipan tungkol sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Kristo, si Hesus ay namatay at muling nabuhay sa ikatlong araw. (1 Cor 15:1-4, Rom 1:4, Gawa 3:14-15, Lc 24:25-27)
1 Cor 15:1 Ngayon aking pina-aalala sa inyo, mga kapatid, ang ebanghelyo na aking ipinangaral sa inyo, na inyong tinanggap at tinatayuan. 2 Sa pamamagitan ng ebanghelyong ito kayo ay naligtas, kung kayo ay hahawak na mabuti sa mga salita na aking ipinangaral sa inyo, maliban lang kung kayo ay naniwala ng walang kabuluhan. 3 Sapagkat binigay ko sa inyo ang pinakamahalaga na aking tinanggap: na si Cristo ay namatay alang-alang sa ating mga kasalanan ayon sa mga kasulatan, 4 na siya ay inilibing, at siya ay nabuhay noong ikatlong araw ayon sa mga kasulatan.
Rom 1:4 Ipinahayag siya bilang Anak ng Diyos ayon sa kapangyarihan ng Espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay mula sa kamatayan, si Jesu-Cristo na ating Panginoon.
Gawa 3:14 Inyong itinakwil Ang Banal at Ang Matuwid, at sa halip hiniling ninyo na mapalaya ang isang mamamatay tao para sa inyo. 15 Pinatay ninyo ang Prinsipe ng buhay, na binuhay ng Diyos mula sa mga patay -at kami ang mga saksi ng mga ito.
Lucas 24:25 Sinabi ni Jesus sa kanila, “O mga lalaking hangal at makukupad ang puso na maniwala sa lahat ng sinabi ng mga propeta! 26 Hindi ba kinakailangang si Cristo ay magdusa ng ganitong mga bagay, at pumasok sa kaniyang kaluwalhatian?” 27 At magmula kay Moises at sa lahat ng propeta, ipinaliwanag ni Jesus sa kanila ang mga bagay tungkol sa kaniyang sarili sa lahat ng mga kasulatan.
Ibig sabihin, si Hesus ang Kristong ipinropesiya sa Lumang Tipan.