Heb 2:17, Heb 5:8-10, Heb 6:20, Heb 7:26, Heb 9:11-12
Si Jesus ay naging dakilang mataas na saserdote upang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan. (Heb 4:14-16, Heb 2:17)
Heb 4:14 Yamang mayroon tayong dakilang pinakapunong pari na dumaan sa pamamagitan ng kalangitan, na si Jesus na Anak ng Diyos, dapat tayong kumapit na mahigpit sa ating mga paniniwala. 15 Sapagkat wala tayong pinaka-punong pari na hindi makakaramdam ng pagkahabag sa ating mga kahinaan, ngunit siya ay tinukso sa lahat ng paraan tulad natin, maliban lang na wala siyang kasalanan. 16 Kaya magsilapit tayo na may pananalig sa trono ng biyaya, ng sa gayon makatanggap tayo ng awa at makahanap ng biyaya na makakatulong sa oras ng pangangailangan.
Heb 2:17 Kaya kinakailangan niyang maging katulad ng kaniyang mga kapatid sa lahat ng paraan, upang siya ay maging maawain at tapat na pinakapunong pari sa mga bagay para sa Diyos, at upang maaari niyang makamit ang kapatawaran para sa kasalanan ng mga tao.
Si Jesus ay hindi mula sa makasaserdoteng tribo ni Levi, ngunit siya ay isang mataas na saserdote ayon sa orden ni Melquisedec. (Heb 5:8-10, Heb 6:20)
Heb 5:8 Bagama't siya ay anak, natutunan niya ang pagsunod mula sa mga bagay na kaniyang tiniis. 9 Siya ay ginawang ganap at sa pamamaraang ito, siya ang dahilan ng walang hanggang kaligtasan para sa bawat isang sumusunod sa kaniya, 10 na itinalaga ng Diyos bilang pinaka-punong pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec.
Heb 6:20 Pumasok si Jesus sa dakong iyon bilang tagapanguna para sa atin, at naging pinaka-punongpari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquisedec.
Dahil si Hesus ay walang hanggan, Siya ang walang hanggang Punong Pari. Bilang ating walang hanggang Mataas na Saserdote, si Jesus ay namatay nang minsan para sa lahat upang tubusin ang ating mga kasalanan, kaya hindi na natin kailangang mag-alay ng mga hain. (Heb 7:21-27, Heb 9:11-12)
Heb 7:21 Ngunit ang Diyos ay gumawa ng isang panunumpa nang sinabi niya ang tungkol kay Jesus, ''Ang Panginoon ay nangako at hindi na magbabago ang kaniyang isip: ''Ikaw ay isang pari magpakailanman.''' 22 Sa pamamagitan din nito si Jesus ay naging kayiyakan ng isang mas mabuting kasunduan. 23 Sa katunayan, ang kamatayan ang humahadlang sa mga pari mula sa paglilingkod magpakailanman. Ito ang dahilan kung bakit mayroong maraming pari, isa pagkatapos ng isa. 24 Ngunit dahil nabubuhay si Jesus magpakailanman, ang kaniyang pagkapari ay hindi mapapalitan. 25 Samakatuwid, siya rin ay lubos na makapagliligtas sa kanila na lalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, dahil siya ay laging nabubuhay upang mamagitan para sa kanila. 26 Sapagkat ganito ang pinaka-punong pari na nararapat para sa atin. Siya ay walang kasalanan, walang dungis, dalisay, ibinukod mula sa mga makasalanan, at naging lalong mataas kaysa sa kalangitan. 27 Hindi siya nangangailangan, di tulad ng mga pinaka-punongpari, na mag-alay ng handog araw-araw, una para sa kaniyang sariling kasalanan, at pagkatapos para sa kasalanan ng mga tao. Ginawa niya ito nang minsanan para sa lahat, nang inialay niya ang kaniyang sarili.
Heb 9:11 Dumating si Cristo bilang pinaka-punong pari ng mabubuting bagay na darating, sa pamamagitan ng mas dakila at higit na ganap na sagradong tolda na hindi gawa sa mga kamay ng tao, na hindi kabilang sa mundong nilikha. 12 Hindi ito sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at mga guya, ngunit sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo kaya minsan lamang pumasok si Cristo sa kabanal-banalang lugar para sa lahat at tiyakin ang ating walang hanggang katubusan.