Heb 8:7-13, Heb 10:1, Heb 5:5-6, Heb 7:28, Heb 9:9-12, Heb 7:24-25,

Hindi natin matamo ang kasakdalan sa pamamagitan ng pagkasaserdote ng tribo ni Levi. Si Jesus, mula sa tribo ni Juda, ay naging walang hanggang saserdote na nagpapasakdal sa atin magpakailanman ayon sa orden ni Melquisedec. (Heb 7:11-17, Heb 5:5-6, Heb 7:24-25,28)

Heb 7:11 Ngayon kung ang pagiging ganap ay maaari nang makamtan sa pamamagitan ng pagiging pari ng mga Levita (sapagkat sa ilalim nito ang mga tao ay tumanggap ng kautusan), ano pa ang kailangan para sa isang pari na lumitaw ayon sa pagkapari ni Melquisedec, at hindi mapangalanan ayon sa pagkapari ni Aaron? 12 Dahil kapag ang pagkapari ay nabago, ang kautusan ay kailangan ding mabago. 13 Sapagkat ang pinagsabihan ng mga bagay na ito ay kabilang sa ibang lahi, kung saan walang sinuman ang naglingkod sa altar. 14 Ngayon ito ang katunayan na ang ating Panginoon ay nagmula kay Judah, ang lipi na hindi binanggit ni Moises patungkol sa mga pari. 15 At ang aming sinasabi ay mas malinaw pa kung may ibang paring liliitaw ayon sa pagkakatulad ni Melquisedec. 16 Ang bagong pari na ito ay hindi naging pari ayon sa batayan ng kautusan sa angkan ng tao sa halip ay sa batayan ng kapangyarihan ng hindi nasisirang buhay. 17 Dahil ang kasulatan ay sumasaksi tungkol sa kaniya: ''Ikaw ay isang pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquisedec.

Heb 5:5 Maging si Cristo ay hindi pinarangalan ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng paglalagay sa kaniyang sarili bilang pinakapunong- pari. Sa halip ay sinabi ng Diyos sa kaniya, ''Ikaw ay aking Anak, ngayong araw na ito ako ay naging iyong Ama.” 6 Ito ay katulad lang din ng kaniyang sinabi sa ibang lugar, ''Ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquisedec.”

Heb 7:24 Ngunit dahil nabubuhay si Jesus magpakailanman, ang kaniyang pagkapari ay hindi mapapalitan. 25 Samakatuwid, siya rin ay lubos na makapagliligtas sa kanila na lalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, dahil siya ay laging nabubuhay upang mamagitan para sa kanila.
28 Sapagkat ang kautusan ang humirang ng mga tao na may kahinaan katulad ng mga pinakapunong pari, ngunit ang salita ng panunumpa, na dumating matapos ang kautusan, ay naghirang ng isang Anak, na siyang ginawang ganap magpakailanman.

Ang kautusang ibinigay sa pamamagitan ni Moises, ang unang tipan ng Diyos, ay hindi perpekto. Ang batas na ito ay magiging laos at mawawala. Ngunit si Kristo, ang bagong tipan ng Diyos, ay walang dungis, lubusang nilulutas ang ating mga kasalanan, at kasama natin magpakailanman. ( Heb 8:7-13 )

Heb 8:7 Sapagkat kung ang unang tipan ay walang pagkakamali, kung gayon hindi na kailangan pang humanap ng pangalawang tipan. 8 Sapagkat nang nakatagpo ang Diyos ng pagkakamali sa mga tao, sinabi niya,”'Tingnan ninyo, darating ang mga araw,' sabi ng Panginoon, 'na Ako ay gagawa ng bagong tipan sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda. 9 Hindi na ito katulad ng tipan na ginawa ko sa kanilang mga ninuno noong araw na kinuha ko sila sa pamamagitan ng kamay upang pangunahan silang lumabas sa lupain ng Egipto. Sapagkat hindi sila nagpatuloy sa aking tipan, at hindi ko na sila bibigyang pansin,' sabi ng Panginoon. 10 'Sapagkat ito ang tipan na aking gagawin sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na iyon,' sabi ng Panginoon. 'Ilalagay ko sa kanilang mga isipan ang aking mga tipan, at isusulat ko rin ang mga ito sa kanilang mga puso. Ako ang magiging Diyos nila, at sila ay aking magiging mga tao. 11 Hindi nila tuturuan ang bawat isa na kaniyang kapwa at ang bawat isa na kaniyang kapatid, na sabihing, “Kilalanin ninyo ang Diyos,” sapagkat ako ay makikilala ng lahat mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila sa kanila. 12 Sapagkat magpapakita ako ng habag sa kanilang mga gawaing hindi matuwid at hindi ko na aalalahanin pa ang kanilang mga kasalanan.'” 13 Sinasabing “bago,” ginawa niyang luma ang unang tipan. At kaniya ngang inihayag na ang pagiging luma ay handa ng maglaho.

Ang batas ng Lumang Tipan ay anino ng darating na Kristo. Ang batas ay ating ordenansa hanggang sa dumating si Kristo. Ngayon ay naparito si Kristo upang alisin ang ating mga kasalanan minsan at magpakailanman. ( Heb 10:1, Heb 9:9-12 )

Heb 10:1 Sapagkat ang kautusan ay isang anino lamang ng mga mabubuting bagay na darating, hindi ng mga katotohanan. Hindi magagawang ganap ng kautusan ang mga lumalapit sa Diyos batay sa paraan ng parehong mga alay na inihahandog ng mga pari taun-taon.

Heb 9:9 Isa itong paglalarawan sa kasalukuyang panahon. Parehong walang kakayahang gawing ganap ng mga kaloob at mga handog ang budhi ng mga sumasamba. 10 Mga pagkain at inumin lamang ang mga ito na kaugnay ng iba't-ibang uri ng seremonya ng paglilinis. Ang lahat ng ito ay alituntunin para sa laman na inilaan hanggang sa maganap ang bagong kaayusan. 11 Dumating si Cristo bilang pinaka-punong pari ng mabubuting bagay na darating, sa pamamagitan ng mas dakila at higit na ganap na sagradong tolda na hindi gawa sa mga kamay ng tao, na hindi kabilang sa mundong nilikha. 12 Hindi ito sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at mga guya, ngunit sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo kaya minsan lamang pumasok si Cristo sa kabanal-banalang lugar para sa lahat at tiyakin ang ating walang hanggang katubusan.