Nangako ang Diyos na ipapadala si Kristo sa pamamagitan ng mga inapo ng anak ni Abraham na si Isaac. (Genesis 17:19,21, Gen 21:2-3, Roma 9:7-8, Gal 4:21-23)
Genesis 17:19 Sinabi ng Diyos, “Hindi, si Sarah na iyong asawa ay magdadalang-tao ng anak na lalaki, at pangalanan mo siyang Isaac. Magtatatag ako ng tipan sa kanya, bilang walang hanggang tipan sa mga susunod niyang mga magiging kaapu-apuhan.
21 Pero itatatag ko ang aking tipan kay Isaac, na siyang isisilang ni Sarah sa ganitong oras sa susunod na taon.”
Gen 21:2 Nabuntis at nagsilang ng isang anak na lalaki si Sara para kay Abraham sa kanyang katandaan, sa itinakdang panahong sinabi ng Diyos sa kanya. 3 Pinangalanan ni Abraham bilang Isaac ang kanyang anak na lalaki, siya na isinilang sa kaniya, na isinilang ni Sara para sa kanya.
Roma 9:7 Hindi rin lahat ng kaapu-apuhan ni Abraham ay tunay niyang mga anak. Ngunit, “Sa pamamagitan ni Isaac tatawagin ang iyong mga kaapu-apuhan.” 8 Iyan ay, ang mga anak sa laman ay hindi mga anak ng Diyos. Ngunit ang mga anak ng pangako ay itinuturing na kaapu-apuhan.
Gal 4:21 Sabihin ninyo sa akin, kayo na gustong magpasailalim sa kautusan, hindi ba ninyo narinig kung ano ang sinasabi ng kautusan? 22 Sapagkat nasusulat na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, ang isa ay sa aliping babae at ang isa ay sa malayang babae. 23 Gayunpaman, ang anak ng alipin ay ipinanganak sa laman, ngunit ang ipinanganak ng malayang babae ay ipinanganak sa pamamagitan ng isang pangako.
Ang lahat ng tao ay pagpapalain sa pamamagitan ni Kristo na darating bilang inapo ni Abraham. ( Gen 22:16-18 , Gal 3:16 )
Gen 22:16 at sinabing—ito ay isang kapahayagan mula kay Yahweh, “Nangangako ako sa aking sarili na dahil ginawa mo ang bagay na ito, at dahil hindi mo ipinagkait ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak, 17 tiyak na pagpapalain kita at labis kong pararamihin ang iyong mga kaapu-apuhan gaya ng bituin sa kalangitan, at gaya ng buhangin sa dalampasigan; at aangkinin ng iyong mga kaapu-apuhan ang tarangkahan ng kanilang mga kaaway. 18 Sa pamamagitan ng iyong anak, ang lahat ng mga bansa sa mundo ay pagpapalain, dahil sinunod mo ang aking tinig.
Gal 3:16 Ngayon, ang mga pangako ay sinabi kay Abraham at sa kaniyang kaapu-apuhan. Hindi nito sinabi, “Sa mga kaapu-apuhan,” na tumutukoy sa marami, kung hindi sa iisa lang. “Sa iyong kaapu-apuhan,” na si Cristo.