Pahayag 22:1-2, Isa 53:4-5, Mt 4:23-24
Pinagaling ng Diyos ang mga Israelita mula sa lahat ng sakit pagkatapos nilang lisanin ang Ehipto. ( Exo 15:22-26 )
Exo 15:22 Pagkatapos pinangunahan ni Moises ang Israel pasulong mula dagat ng mga Tambo. Lumabas sila sa ilang ng Shur. Naglakbay sila ng tatlong araw sa loob ng ilang at walang nahanap na tubig. 23 Pagkatapos nakarating sila sa Mara, pero hindi nila mainom ang tubig doon dahil mapait ito. Kaya tinawag nilang Mara ang lugar na iyon. 24 Kaya nagreklamo ang mga tao kay Moises at sinabing, “Ano ang aming iinumin?.” 25 Umiyak si Moises kay Yahweh at may ipinakitang puno si Yahweh sa kaniya. Hinagis ito ni Moises sa tubig at naging matamis na maiinom ang tubig. Sa lugar na iyon nagbigay si Yahweh sa kanila ng mahigpit na kautusan at doon din niya sila sinubukan. 26 Sinabi niya, “Kung papakinggan ninyong mabuti ang tinig ni Yahweh na inyong Diyos, at gagawin kung ano ang tama sa aking mga mata, at kung makikinig kayo sa mga kautusan ko at susundin ang lahat ng mga batas ko—hindi ako maglalagay sa inyo ng anumang mga sakit na inilagay ko sa mga taga-Ehipto, dahil ako ay si Yahweh na nagpapagaling sa inyo.”
Sa Lumang Tipan, inihula na darating si Kristo at aalisin ang ating mga pagdurusa at mamamatay upang iligtas tayo. ( Isa 53:4-5 )
Isa 53:4 Pero tiyak na pinasan niya ang ating mga karamdaman at dinala ang ating mga kalungkutan; gayon man ay inakala natin na pinarusahan siya ng Diyos, pinalo siya ng Diyos, at pinahirapan. 5 Pero sinaksak siya dahil sa ating mga ginawang paghihimagsik; nadurog siya dahil sa ating mga kasalanan. Ang kaparusahan para sa ating kapayapaan ay nasa kanya, at pinagaling niya tayo sa pamamagitan ng kanyang mga sugat.
Si Hesus ang Kristo na namatay upang pagalingin ang ating karamdaman at patawarin ang ating mga kasalanan. ( Mateo 4:23-24, Marcos 10:45 )
Mateo 4:23 Nilibot ni Jesus ang buong Galilea, nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, ipinangaral niya ang ebanghelyo ng kaharian, pinapagaling niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman ng mga tao. 24 Kumalat ang balita tungkol sa kaniya sa buong Siria at dinala ng mga tao sa kaniya ang lahat ng mga may sakit, may iba't ibang uri ng karamdaman at sakit, ang mga sinaniban ng mga demonyo, lahat ng epileptiko at paralisado, pinagaling sila ni Jesus.
Marcos 10:45 Sapagkat hindi dumating ang Anak ng Tao upang paglingkuran, ngunit upang maglingkod at upang ibigay ang kaniyang buhay bilang katubusan ng lahat.”
Ang Diyos at ang Kordero ng Diyos, si Jesucristo, ang Tagapagpagaling. (Pahayag 22:1-2)
Pahayag 22:1 Pagkatapos ipinakita sa akin ng anghel ang ilog ng tubig ng buhay, ang tubig ay kasing linaw ng kristal. Dumadaloy ito mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, 2 sa gitna ng lansangan ng lungsod. Sa magkabilang tabi ng ilog ay naroon ang puno ng buhay na nagbubunga ng labingdalawang uri ng prutas, at sa bawat buwan ay namumunga ito. Ang mga dahon ng puno ay para mapagaling ang bansa.