2 Hari 4:1-7,42-44
Si Jesus ay nahabag sa karamihan at gumawa ng isang himala ng limang isda. Ang gayong mga himala ay katulad ng ginawa ni propeta Eliseo. Si Hesus ang tunay na propeta na gumawa ng himala ng limang isda. ( Mat 14:13-21, 2 Hari 4:1-7,42-44 )
Mat 14:13 Ngayon, nang marinig ito ni Jesus, umalis siya mula roon sa pamamagitan ng bangka at nagpunta sa isang liblib na lugar. Nang marinig ito ng mga tao, sinundan siya ng mga ito na naglalakad mula sa mga lungsod. 14 At dumating si Jesus na nauna sa kanila at nakita ang maraming tao. Nahabag siya sa kanila at pinagaling ang mga may sakit sa kanila. 15 Nang sumapit ang gabi, lumapit ang mga alagad sa kaniya at sinabi, “Ito ay ilang na lugar at natapos na ang araw. Pauwiin na ninyo ang mga taong napakarami, upang sila ay makapunta sa mga nayon at makapamili ng makakain para sa kanilang sarili.” 16 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi na nila kailangan pang umalis. Bigyan ninyo sila ng makakain.” 17 Sinabi nila sa kaniya, “Mayroon lamang kaming limang piraso ng tinapay at dalawang isda rito.” 18 Sinabi ni Jesus, “Dalhin ninyo sa akin ang mga iyan.” 19 Pagkatapos ay inutusan ni Jesus ang mga maraming tao na maupo sa damuhan. Kinuha niya ang limang pirasong tinapay at dalawang isda. Habang nakatingala sa langit, binasbasan niya at pinagpira-piraso ang mga tinapay at saka ibinigay sa mga alagad. Ipinamahagi naman ito ng mga alagad sa mga tao. 20 Lahat sila ay nakakain at nabusog. Pagkatapos ay inipon nila ang mga natira sa mga pinagpira-pirasong pagkain—labindalawang basket ang napuno. 21 Lahat ng kumain ay umabot sa limanlibong kalalakihan bukod sa mga kababaihan at mga bata.
2 Hari 4:1 Ngayon, nagpuntang umiiyak ang isa sa mga asawa ng mga anak ng mga propeta kay Eliseo, sinabing, “Ang iyong lingkod na aking asawa ay patay na, at alam mo na may takot ang iyong lingkod kay Yahweh. Ngayon pumunta ang nagpapautang para kunin ang aking dalawang anak para maging mga alipin niya.” 2 Kaya sinabi ni Eliseo sa kaniya, “Ano ang magagawa ko para sa iyo?” Sinabi niya, “Ang iyong lingkod ay walang kahit ano sa bahay, maliban sa palayok ng langis.” 3 Pagkatapos, sinabi ni Eliseo, “Umalis ka para manghiram ng mga tapayan na walang laman sa iyong mga kapit-bahay. Manghiram ka ng marami hangga't maaari. 4 Pagkatapos kailangan mo pumunta sa loob ng bahay mo at isara ang pinto sa likod mo at ng iyong mga anak, at ibuhos ang langis sa mga tapayan na iyon; itabi mo ang mga tapayan na napuno.” 5 Kaya iniwan niya si Eliseo at sinara ang pinto sa likod niya at kaniyang mga anak. Nagdala sila ng mga tapayan para sa kaniya, at pinuno ang mga ito ng langis. 6 Nang napuno na ang mga lagayan, sabi niya sa kaniyang mga anak, “Magdala pa kayo ng isa pang tapayan.” Pero ang sabi ng anak niya sa kaniya, “Wala ng mga tapayan.” Pagkatapos, huminto na sa pagdaloy ng langis. 7 Pagkatapos, bumalik siya at sinabi sa lingkod ng Diyos. Sabi niya, “Pumunta ka roon, ibenta mo ang langis; bayaran mo ang iyong utang, at mamuhay kasama ng iyong mga anak sa mga natira.”
42 Isang lalaking taga-Baal-salisa ang lumapit sa lingkod ng Diyos at nagdala ng labingdalawang trigong tinapay sa kaniyang sako mula sa bagong ani, at sariwang aning butil. Sinabi niya, “Ibigay mo ito sa mga tao para makakain sila.” 43 Sinabi ng kaniyang alipin, “Ano, dapat ko ba itong ihain sa harapan ng isang-daang lalaki?” Pero sinabi ni Eliseo, “Ibigay mo ito sa mga tao, para makakain sila, dahil sinabi ito ni Yahweh, 'Kakain sila at magkakaroon pa ng tira.'” 44 Kaya hinain ito ng kaniyang alipin sa kanilang harapan; kumain sila, at may mga natira pa, gaya ng pinangakong salita ni Yahweh.