Rom 1:2-4, 1 Cor 15:1-4, 2 Tim 3:15

Sa Lumang Tipan, ipinagtapat ng salmista na ang ginawa ng Diyos ay ipinaalam sa mga inapo ng mga Israelita upang sila ay maniwala sa Diyos. ( Mga Awit 78:2-8 )

Mga Awit 78:2 Bubuksan ko ang aking bibig sa mga talinhaga; aawit ako tungkol sa mga bagay na lihim tungkol sa nakaraan. 3 Ito ang mga bagay na narinig at natutunan natin, mga bagay na sinabi sa atin ng ating mga ninuno. 4 Hindi natin ito itatago sa kanilang mga kaapu-apuhan. Sasabihin natin sa susunod na salinlahi ang tungkol sa kapuri-puring mga bagay na ginawa ni Yahweh, ang kaniyang kalakasan, at ang mga kababalaghan na kaniyang ginawa. 5 Dahil tinatag niya ang mga utos sa tipan kay Jacob at nagtalaga ng batas sa Israel. Inutusan niya ang ating mga ninuno na ituro ito sa kanilang mga anak. 6 Inutos niya ito para malaman ng darating na salinlahi ang kaniyang mga tuntunin, ang mga bata na hindi pa ipinapanganak ay dapat din nilang sabihin ito sa kanilang mga magiging anak. 7 Pagkatapos, ilalagak nila ang kanilang pag-asa sa Diyos at hindi kalilimutan ang mga ginawa niya pero susundin ang kaniyang mga kautusan. 8 Pagkatapos, hindi sila magiging katulad ng kanilang mga ninuno, na matigas ang ulo at rebeldeng salinlahi, salinlahi na hindi tama ang mga puso, at hindi mapagkakatiwalaan at hindi tapat sa Diyos.

Ang pagdating ng Anak ng Diyos, na ipinangako sa pamamagitan ng mga propeta sa Lumang Tipan, ay natupad. Si Jesus ang Anak ng Diyos, ang Kristo, na dumating bilang inapo ni David at nabuhay na mag-uli tatlong araw pagkatapos niyang mamatay. (Roma 1:2-4)

Roma 1:2 Ito ang ebanghelyo na noon pa man ay ipinangako na niya sa pamamagitan ng mga propeta sa banal na kasulatan. 3 Ito ay tungkol sa kaniyang Anak, na ipinanganak mula sa kaapu-apuhan ni David ayon sa laman. 4 Ipinahayag siya bilang Anak ng Diyos ayon sa kapangyarihan ng Espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay mula sa kamatayan, si Jesu-Cristo na ating Panginoon.

Ang ebanghelyo na si Jesus ay ang Kristo ay ipinangaral sa atin. ( 1 Corinto 15:1-4; 2 Timoteo 3:15 )

1 Corinto 15:1 Ngayon aking pina-aalala sa inyo, mga kapatid, ang ebanghelyo na aking ipinangaral sa inyo, na inyong tinanggap at tinatayuan. 2 Sa pamamagitan ng ebanghelyong ito kayo ay naligtas, kung kayo ay hahawak na mabuti sa mga salita na aking ipinangaral sa inyo, maliban lang kung kayo ay naniwala ng walang kabuluhan. 3 Sapagkat binigay ko sa inyo ang pinakamahalaga na aking tinanggap: na si Cristo ay namatay alang-alang sa ating mga kasalanan ayon sa mga kasulatan, 4 na siya ay inilibing, at siya ay nabuhay noong ikatlong araw ayon sa mga kasulatan.

2 Timoteo 3:15 Alam mo na mula sa iyong kabataan nalaman mo na ang sagradong kasulatan. Ang mga ito ang nagbibigay karunungan sa iyo para sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.